Martes, Abril 8, 2025

Pag-shave ng buhok

PAG-SHAVE NG BUHOK

nagpaalam ang doktor sa akin kanina
ang buhok ni misis ay ise-shave raw nila
kalahati lamang ba o buong buhok na
dahil nga sa ulo sila mag-oopera

nang sinabing buong buhok, tumango ako
upang sabay pang tumubo ang mga ito
kailangan sa pag-oopera sa ulo
pag natapos, wala nang buhok si misis ko

mahalaga'y magtagumpay ang operasyon
saka ko iisipin ang gastusin doon
upang di ma-redtag sa ospital na iyon
na babayaran ay tiyak abot ng milyon

nawa'y tagumpay ang pag-opera kay misis
ang luha ko man sa pisngi'y dumadalisdis

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* sinulat bandang ikaanim at kalahati ng umaga nang dinala na sa operating room si misis, Abril 8, 2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Bagong gupit, bagong pagharap sa buhay

BAGONG GUPIT, BAGONG PAGHARAP SA BUHAY pagdating sa lungsod, plano kong magpagupit tanda iyon ng bagong pagharap sa buhay semikalbo ang sa b...