Sabado, Hunyo 1, 2024

Madali bang sabihin...?

MADALI BANG SABIHIN...?

madali bang sabihin ang nararanasan
mong kahirapan sa buhay mo't sa lipunan?
madali bang sabihing naghihirap ka man
ang mga pangarap mo'y pinagsisikapan?

madali mo kayang nasabing "mahal kita"
sa nililigawan mo o sa sinisinta?
biyenan ba'y madaling natawag na ama
o nanay pagkat mahal mo ang anak nila?

madali bang sabihing tayo'y maghimagsik
laban sa kapitalismong takot ang hasik?
madali bang sabihing tanggalin ang plastik
na sa kapaligiran ay nagsusumiksik?

madali bang sabihing ilagay sa tuktok
ang dukhang pinatibay ng laksang pagsubok
madali bang sabihing iyong naaarok
bakit lipunang nasa'y dapat mapatampok?

maraming dapat masabi tulad ng trapo
na pulos pangako upang sila'y iboto
madaling sabihing itaas na ang sweldo
ng obrero ngunit paano ipanalo?

- gregoriovbituinjr.
06.01.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kalendaryong pangmesa

KALENDARYONG PANGMESA kaygandang bigay ng isang kasama ako na'y may kalendaryong pangmesa sa presscon binigay ng tagamidya sa kanya ang ...