Sabado, Marso 30, 2024

Payak na hapunan

PAYAK NA HAPUNAN

bangus na inadobo sa toyo at suka
at ginayat na mga mumunting gulayin
kamatis, sibuyas, at dahon ng sibuyas 
na kaysarap ulamin kasama ng kanin

payak na hapunan ng tibak na Spartan
habang wala si misis sa aming tahanan
matapos magsulat ng akda'y naghapunan
kahit na nag-iisa lamang sa tahanan

bukod sa mumurahin, ito'y pampalusog
kain-bedyetaryan, kapara ko'y bubuyog
sa nektar ng bulaklak nagpapakabusog
upang maya-maya'y magpahinga't matulog

maraming salamat at muling nakadighay
habang naritong patuloy sa pagninilay

- gregoriovbituinjr.
03.30.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.? natanggal higit tatlong dekada na ang base militar ng Amerika may panukala mga solon nila: Subic ay gawing imbak...