PAGTITIG SA KISAME
at muli, nakatitig ako sa kisame
pinagnilayan ang nadinig na mensahe
bakit kayraming tiwali, trapo't salbahe
bakit ba api ang dukha, bata't babae
sa ganyang sistema, ayokong manahimik
anumang puna't nakita'y isasatitik
marami man silang sa isyu'y walang imik
habang masa'y parang bawang na dinidikdik
ano bang meron sa kisame kundi sapot
marahil ng gagamba o baka may surot
subalit ang lipunan ay tadtad ng sapot
ng mga tuso't tiwali, nakalulungkot
kayraming trapong nang-iisa, nanggigisa
ng mga dukhang sa kanila umaasa
akala sila'y mga diyos at diyosa
na kaligtasan ng bayan ay tangan nila
walang dapat mang-api o mambubusabos
walang isang tagapagligtas, manunubos
masa't uring manggagawa na'y magsikilos
nang sistemang bulok ay tuluyang matapos
- gregoriovbituinjr.
02.24.2024
* litrato ng kisame mula sa naganap na Labor Forum on ChaCha sa UP, Pebrero 22, 2024
balatengga - tawag sa tagalog ng banner o streamer na isinasabit sa mga tulay o matataas na lugar, pader, atbp.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Pamasahe ng ubanin
PAMASAHE NG UBANIN kapag nagbayad ako ng bente imbes ang sukli ko ay siyete susuklian ako ng nuwebe dapat pamasahe ko ay trese akala se...
-
Soneto 3 sa World Poetry Day 2020 (sa anyo ng 2-3-4-3-2) W orld Poetry Day, na isang araw ng panulaan O araw ng makata't ng tula...
-
OKTUBRE NA, WALA PA RING NAKUKULONG NA CORRUPT wala pa ring nakukulong, Oktubre na aba'y paikot-ikot lang ang istorya may ghost flood co...
-
MABABAW MAN ANG KALIGAYAHAN KO mababaw lang daw ang kaligayahan ko kaya natatawa sa mumunting bagay dahil diyan, napaisip tuloy ako: ano ang...

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento